NAPANSIN NG ISANG PROOFREADER SA DYARYO NA ANG MGA SAGOT SA CROSSWORD PUZZLE TUWING LINGGO AY NAGIGING HEADLINE NG BALITA KINABUKASAN. “SUNOG,” “BAGYO,” “BANGGAAN.” AKALA NIYA AY NAGKAKATAON LANG NOONG UNA. PERO NANG MATAPOS NIYA ANG PUZZLE PARA SA SUSUNOD NA LINGGO, NANLAMIG SIYA DAHIL ANG NABUONG MGA SALITA AY PANGALAN NG KANYANG BOSS AT ANG SALITANG “LASON”
Sabado ng gabi. Tahimik ang opisina ng The Daily Chronicle.
Mag-isang naiwan si Benjie, ang senior proofreader. Hawak niya ang layout ng Sunday Edition. Nakatutok siya sa paborito niyang parte—ang Crossword Puzzle.
Dahil siya ang huling mata bago i-print ang dyaryo, ugali na niyang sagutan ang puzzle para masiguradong walang typo.
Pero nitong mga nakaraang linggo, may napansin siyang kakaiba.
Tatlong linggo na ang nakakaraan:
3 Across: Isang uri ng kalamidad (5 letters). Sagot: SUNOG.
Kinabukasan (Lunes Headline): “MALAKING SUNOG, TUMUPOK SA PAMILIHAN NG MARIKINA!”
Dalawang linggo na ang nakakaraan:
5 Down: Salpukan ng sasakyan (8 letters). Sagot: BANGGAAN.
Kinabukasan (Lunes Headline): “10 PATAY SA BANGGAAN NG BUS AT TRUCK SA NLEX!”
Nakaraang linggo:
1 Across: Malakas na hangin at ulan (5 letters). Sagot: BAGYO.
Kinabukasan (Lunes Headline): “BAGYONG ‘KIKO’, BIGLANG PUMASOK SA PAR!”
“Nagkataon lang siguro,” bulong ni Benjie sa sarili habang iniinom ang kanyang kape. “Coincidence lang.”
Sinimulan niyang sagutan ang puzzle para sa bukas. Ang gumawa ng puzzle ay isang contributor na ang pangalan ay “Mr. Enigma”. Walang nakakakilala dito dahil sa email lang ito nagpapadala.
Binasa ni Benjie ang clue:
1 Across: Pangalan ng Editor-in-Chief ng The Daily Chronicle (6 letters). Sagot: ARTHUR. (Si Sir Arthur, ang masungit niyang boss)
4 Down: Kemikal na nakamamatay (5 letters). Sagot: LASON
6 Across: Iniinom tuwing umaga (4 letters). Sagot: KAPE
8 Down: Oras ng pagpasok (7 letters). Sagot: ALASOCHO
Nanlamig ang buong katawan ni Benjie. Nabitawan niya ang kanyang pen.
ARTHUR. LASON. KAPE. ALAS-OCHO.
Hindi ito hula. Ito ay isang banta. Isang plano!
Tumingin si Benjie sa relo niya. Sabado pa lang. Sa Lunes ng umaga, eksaktong 8:00 AM, laging nagkakape si Sir Arthur habang nagbabasa ng dyaryo.
“Kailangan kong magsumbong sa pulis!” sabi ni Benjie.
Pero natigilan siya. Sino ang maniniwala sa kanya? Sasabihin lang ng mga pulis na praning siya. Sasabihin ni Sir Arthur na nag-iimbento lang siya ng kwento.
Walang ibang pwedeng gumawa kundi siya.
Lunes ng umaga. 7:45 AM.
Baha ang traffic sa EDSA. Sakay ng taxi si Benjie.
“Manong, bilisan niyo po! Parang awa niyo na!” sigaw ni Benjie.
“Sir, traffic eh! Lilipad ba tayo?!” sagot ng driver.
Tinignan ni Benjie ang relo. 7:50 AM.
Bumaba si Benjie sa gitna ng kalsada. Kumaripas siya ng takbo. Basang-basa siya ng pawis. Ang layo pa ng building ng dyaryo.
Takbo. Hingal. Takbo.
Pagdating sa lobby ng building, sira ang elevator. Nasa 10th floor ang opisina ni Sir Arthur.
7:57 AM.
Inakyat ni Benjie ang hagdan. Dalawang hakbang bawat step. Halos sumabog ang baga niya.
Sa 10th floor, nakita niya si Ms. Lorna, ang secretary. Hawak nito ang isang white mug na umuusok pa.
“Ms. Lorna!” sigaw ni Benjie, habol ang hininga. “Nasaan… si Sir Arthur?!”
“Nasa loob, Benjie. Kakapasok lang. Heto, dadalhin ko na ang kape niya,” sagot ni Lorna.
“Huwag!”
Pero nakapasok na si Lorna sa pinto.
Sumunod si Benjie. Binuksan niya ang pinto nang padabog.
BLAG!
Nakita niya si Sir Arthur. Nakaupo sa swivel chair. Hawak ang Sunday Edition ng dyaryo—yung may puzzle.
Inilapag ni Lorna ang kape sa mesa.
“Sir, coffee niyo po,” ngiti ni Lorna.
“Salamat, Lorna,” sabi ni Sir Arthur. Inabot niya ang tasa. Itinapat sa bibig.
8:00 AM.
“HUWAG SIR!!!”
Tumalon si Benjie at tinapik ang tasa mula sa kamay ni Sir Arthur.
CRASH!
Nabianag ang tasa. Tumapon ang mainit na kape sa puting carpet.
“WHAT THE HELL?!” sigaw ni Sir Arthur. Tumayo siya, galit na galit. “Benjie! Nababaliw ka na ba?!”
Namutla si Lorna. “Benjie! Anong ginawa mo?!”
Hingal na hingal si Benjie. Nakaturo siya sa nabasag na tasa at sa tumapon na kape.
“Sir… ‘wag niyo… inumin…” sabi ni Benjie. “May lason…”
“Lason?! Hibang ka na ba?! Timpla ni Lorna ‘yan!” bulyaw ni Sir Arthur. “You’re fired! Get out!”
Dali-daling kinuha ni Benjie ang dyaryo sa mesa ni Sir Arthur. Binuksan niya sa pahina ng Crossword Puzzle.
“Sir, tignan niyo!” paliwanag ni Benjie. “Yung puzzle creator… si Mr. Enigma… lahat ng sagot niya nagkakatotoo! Sunog, Bagyo, Banggaan… at ngayon… Arthur… Lason… Kape… Alas-Ocho!”
Tinignan ni Sir Arthur ang puzzle. Nakita niya ang mga salita. Kumunot ang noo niya.
“Coincidence lang ‘yan!” sigaw ni Sir Arthur.
Pero napansin ni Benjie ang isang bagay. Ang kape sa carpet… bumubula ito nang kakaiba kapag dumidikit sa metal leg ng mesa. At may amoy ito na parang bitter almonds.
Cyanide.
Napatingin silang lahat kay Ms. Lorna.
Nakatayo si Lorna sa gilid. Wala na ang ngiti sa mukha. Ang maamo niyang mukha ay napalitan ng dilim.
“Lorna?” tanong ni Sir Arthur.
Biglang tumawa si Lorna. Tawang nakakakilabot.
“Ang galing mo, Benjie,” sabi ni Lorna. “Ikaw lang ang nakapansin. Ang daming nagbabasa ng dyaryo, pero ikaw lang ang nag-iisip.”
“Ikaw… ikaw si Mr. Enigma?” gulat na tanong ni Benjie.
“Ako nga,” pag-amin ni Lorna. “Matagal ko nang gustong patayin ang demonyong ‘yan!” turo niya kay Sir Arthur. “Tinanggal niya sa trabaho ang Tatay ko noong na-stroke siya! Namatay ang Tatay ko sa hirap at sama ng loob! Kaya pumasok ako dito para gumanti!”
“Yung Sunog? Yung Banggaan?” tanong ni Benjie.
“Ako rin ang may gawa nun,” ngisi ni Lorna. “Sinunog ko ang palengke. Sinira ko ang preno ng bus. Gusto kong ipamukha sa inyo na nasa harap niyo na ang balita, pero wala kayong pakialam dahil puzzle lang ang tingin niyo dito!”
Bumunot ng letter opener si Lorna at akmang sasak sakon si Sir Arthur.
Pero mabilis si Benjie. Sinunggaban niya si Lorna. Nagbuno sila hanggang sa dumating ang mga guard at naposasan ang sekretarya.
Nakatulala si Sir Arthur. Tinitigan niya ang basag na tasa at ang puzzle sa dyaryo. Kung hindi dahil sa “praning” na proofreader, patay na sana siya.
“Benjie…” nanginginig na sabi ni Sir Arthur. “Salamat.”
Kinabukasan, isang bagong headline ang lumabas sa dyaryo: “EDITOR, NILIGTAS NG EMPLEYADO MULA SA LASON.”
At sa Crossword Puzzle ng araw na iyon, na si Benjie na mismo ang gumawa, isa lang ang sagot sa 1 Across (6 letters): BAYANI.