HINDI INUBOS NG ANAK ANG BAON DAHIL “DUROG-DUROG” ANG ITLOG AT PANGIT ANG PAGKAKAPREPARA NITO KUMPARA SA “BENTO BOX” NG MGA KLASEMAYE NIYA. PERO NALUHA SIYA SA NANG SILIPIN NIYA SA KUSINA NANGINGINIG ANG KAMAY NG KANYANG TATAY

Lunch break na sa eskwelahan. Masayang nagbukas ng kani-kanilang lunch box ang mga kaklase ni Lester.

“Wow! Tignan niyo ‘yung baon ko!” pagmamalaki ng kaklase niyang si Ken. “Naka-Bento Box! Yung kanin hugis Panda, tapos yung itlog hugis puso!”

Inggit na inggit si Lester. Dahan-dahan niyang binuksan ang lumang Tupperware niya. Tinakpan niya ito ng kamay para hindi makita ng iba.

Sa loob, nakalagay ang pritong itlog na durog-durog. Sunog ang gilid, sabog ang pula, at parang “ni-ramble” sa kawali. Walang presentation. Walang design.

“Ano ‘yan Lester?” tanong ng katabi niya. “Anyare sa itlog mo? Na-araro?”

Nagtawanan ang mga kaklase niya.

Dahil sa hiya, sinara agad ni Lester ang baunan. “Busog ako,” pagsisinungaling niya.

Pag-uwi sa bahay, naabutan niya ang kanyang Tatay Eddie na nagwawalis sa sala. Payat si Mang Eddie at laging nakatago ang mga kamay sa bulsa.

“Oh anak,” bati ni Mang Eddie. “Kumusta ang eskwela? Naubos mo ba ang niluto kong itlog?”

Padabog na nilapag ni Lester ang bag. Kinuha niya ang Tupperware na puno pa ang laman at nilagay sa lababo.

“Hindi Tay!” reklamo ni Lester. “Nakakahiya! Yung mga kaklase ko ang gaganda ng baon! Yung sa akin, parang pagkain ng pusa! Durog-durog! Sana nag-cup noodles na lang ako!”

Nakita ni Lester ang lungkot sa mata ng ama. Yumuko si Mang Eddie.

“Pasensya ka na anak… susubukan kong ayusin bukas…”

“Huwag na! Bibili na lang ako sa canteen!” sigaw ni Lester sabay pasok sa kwarto.

Kinabukasan, maagang nagising si Lester. Mga alas-kwatro pa lang ng madaling araw. Nauuhaw siya kaya lumabas siya para uminom ng tubig.

Paglapit niya sa kusina, nakita niyang bukas ang ilaw. May naririnig siyang kaluskos ng kawali at sandok.

Clang… Clang…

Dahan-dahang sumilip si Lester sa siwang ng pinto.

Nakita niya ang Tatay Eddie niya na nakatayo sa harap ng kalan.

Nanlaki ang mata ni Lester.

Doon niya lang napansin nang malapitan—sobrang nanginginig ang mga kamay ng tatay niya. Ang sakit na Parkinson’s Disease na pilit nitong tinatago ay lumala na pala.

Kumuha si Mang Eddie ng itlog. Dahil sa tremors o panginginig, nahirapan siyang basagin ito. Nadulas sa kamay niya at nahulog sa sahig.

“Sayang…” bulong ng matanda. Kumuha ulit ito ng isa.

Sa pagkakataong ito, nabasag niya sa kawali. Pero dahil nanginginig ang buong braso, hindi niya ma-kontrol ang sandok. Pilit niyang binabaliktad ang itlog para maging perfect sunny side up, pero natusok niya ang yolk.

Nadurog na naman.

Nakita ni Lester na hinampas ng tatay niya ang sarili nitong kamay dahil sa inis.

“Tumigil ka naman… kahit ngayon lang…” pakiusap ni Mang Eddie sa sariling kamay.

Pinunasan ni Mang Eddie ang pawis sa noo. Halatang hirap na hirap siya. Ang simpleng pagprito na tumatagal lang dapat ng 5 minutes, inabot na siya ng kalahating oras kakapilit na pagandahin ang hugis.

Bago niya ilagay sa baunan, inayos niya ang durog na itlog. Tinitigan niya ito nang malungkot.

Narinig ni Lester ang bulong ng ama:

“Pasensya ka na anak… eto lang ang kaya ng kamay ni Papa. Ang hirap na kasing kontrolin eh. Sana maubos mo ‘to. Sana mabusog ka. Mahal na mahal kita, Lester.”

Tumulo ang luha ni Lester habang nakasilip.

Ang akala niyang “pangit” na luto ay obra-maestra pala ng pagmamahal. Ang “durog” na itlog ay simbolo ng tatay niyang durog din ang katawan pero buo ang loob para pagsilbihan siya.

Hindi na nakatiis si Lester. Pumasok siya sa kusina habang umiiyak.

“Tay…”

Nagulat si Mang Eddie. Agad niyang tinago ang nanginginig na kamay sa likod niya. “Oh, anak? Gising ka na pala. Luluto ulit ako, pangit kasi ‘to eh—”

Tumakbo si Lester at niyakap nang mahigpit ang ama.

“Tay, sorry!!!” humagulgol si Lester. “Sorry kung naging maarte ako! Sorry kung hindi ko nakita na nahihirapan ka na pala! Tay, sorry!”

Niyakap siya pabalik ni Mang Eddie, damang-dama ni Lester ang panginginig ng likod nito. “Tahan na anak… okay lang si Papa.”

Kinuha ni Lester ang plato na may durog na itlog. Kumuha siya ng kutsara.

Sa harap ng tatay niya, kinain niya ito nang buong gana.

“Tay, ito ang pinakamasarap na itlog sa mundo,” sabi ni Lester habang lumuluha. “Kasi gawa ng kamay mo. Hinding-hindi ko na ‘to ipagpapalit sa kahit anong Bento Box.”

Mula noon, hindi na nahiya si Lester sa baon niya. Ipinagmamalaki pa niya ito sa mga kaklase niya: “Luto ‘to ng Papa ko. Espesyal ‘to, kasi may halong pagmamahal na hindi nabibili sa canteen.”

By cgrmu

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *