Wala talagang maisuot na Filipiniana ang anak ko para sa school event nila. Kaya una kong nasabi, “Wag ka na lang pumunta, anak.” Pero sagot niya sa akin, “Kailangan ko pong pumunta, kasi kasama ako sa Balagtasan at sa sayaw na Careñosa.”

Doon ko naisip na hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para hindi siya makasali. Kaya kahit magdamag, naghanap ako ng paraan. Wala akong pambili ng bagong damit, wala rin akong sewing machine, pero hindi iyon naging dahilan para sumuko.

Nakahanap ako ng lumang bistida na maaari pang gamitin. Ang problema lang, wala itong manggas para magmukhang Filipiniana. Buti na lang may nahanap akong lumang punda na halos kakulay ng bistida. Kahit mano-mano lang, tinahi ko ng buong tiyaga gamit ang kamay ko—tinagpi-tagpi ko para makabuo ng manggas.

Habang tinatahi ko iyon, iniisip ko na lang na bawat tusok ng karayom ay simbolo ng pagmamahal at sakripisyo para sa anak ko. Hindi man magarbo o bago ang kanyang isusuot, sigurado akong buo ang pagmamalaki ko sa kanya kapag nakita ko siyang nakasuot ng damit na pinaghirapan ko.

At nang matapos ko, Alhamdulillah! Napakaganda ng kinalabasan—hindi halatang mula lang sa lumang tela at punda. Ang importante, nakasali siya, nakapagsuot ng tamang kasuotan, at higit sa lahat, nadama niya ang suporta ko bilang magulang.

Totoo nga, hindi natin kailangan ng malaking gastos para makasabay. Basta’t may diskarte, tiyaga, at pagmamahal—walang imposible. ❤️

By cgrmu

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *