Ako si Lianne, labing-walong taong gulang. Isang ordinaryong estudyante, may mga pangarap, at tulad ng karamihan sa mga kabataan—madaling magtampo, madaling magreklamo, lalo na kapag si Mama na ang kausap.

Para sa akin noon, si Mama ang pinakamalaking “kontra” sa lahat ng gusto ko.
Bawal lumabas.
Bawal makipagbarkadahan.
Bawal gumimik kahit minsan lang.
Parang lahat ng bagay na nagpapasaya sa akin, tinatanggal niya.

“Ma naman! Hindi na ako bata!” sigaw ko minsan habang nag-aayos ng bag.
“Alam ko, anak,” kalma niyang tugon. “Pero gusto ko lang siguraduhin na ligtas ka.”
“Eh ‘di wag mo akong pigilan!” sabay kalabog ko ng pinto.

Araw-araw, gano’n. Maliit na bagay, pinalalaki. Parang hindi ko na siya kayang intindihin. Para sa akin, siya ang dahilan kung bakit ako nahihirapan huminga. Pero hindi ko alam, may mas malalim pala siyang dahilan.


Isang gabi, habang naghahanda kami ng hapunan, tinanong ko ulit si Mama kung pwede akong sumama sa birthday ng kaklase ko.
“Anak, huwag muna siguro. Hindi ka pa tapos sa project mo, ‘di ba?”
Napairap ako. “Project lang ‘yon, Ma. Bukas pa naman deadline.”
Tahimik siyang nagpatuloy sa pag-aayos ng ulam, pero napansin ko ang bahagyang panginginig ng kamay niya.
“Hindi ko naman sinasabi na hindi ka pwedeng sumaya,” sabi niya mahina, “gusto ko lang makasiguro na—”
“Ma!” putol ko agad. “Lahat na lang bawal sa’yo! Ang hirap mo naman pagbigyan kahit minsan!”

Hindi siya sumagot. Narinig ko lang ang mahinang kalansing ng kutsara sa mesa. Tumingin siya sa akin, maputla ang labi, pero ngumiti pa rin.
“Anak, hindi mo pa naiintindihan ngayon, pero—”
“E ‘di wag mo na akong pigilan!” sabay takbo ko sa kwarto.

Sakto namang dumating si Papa. Rinig ko ang boses niya mula sa sala—galit, pero may halong pagod.
“Lianne! Hindi mo ba naiisip kung gaano kasakit sa Mama mo ‘yung mga sinasabi mo?”
“Pa, sobra naman—”
“Anak, tama na. Hindi mo alam kung anong pinagdadaanan ng Mama mo.”

Napatingin ako kay Mama. Tahimik pa rin siya, pero tumulo na ang luha.
Tumingin si Papa sa kanya at mahina ang boses nang tanungin, “Ma, sigurado ka bang ayaw mong sabihin?”
Umiling siya. “Ayokong maawa sila.”

Kinabahan ako. “Ano pong sinasabi niyo?”

Tahimik ang paligid bago sumagot si Papa.
“Anak… may karamdaman ang Mama mo. Matagal na. May cancer siya.”

Parang may humila ng hangin sa dibdib ko. Hindi ako makapagsalita.
“Hindi… hindi totoo ‘yan. Si Mama, malakas siya…”
Pero nakita ko ang mga luha niya, at doon ko lang napagtanto na hindi na niya kayang itago.

“Anak,” mahinang sabi niya, “ayokong sabihin kasi ayokong matakot ka. Gusto ko lang makita kang masaya. Kaya minsan, pinipigilan kita. Hindi dahil ayaw kong sumaya ka, kundi dahil gusto kong makasama ka pa habang kaya ko pa.”

Doon bumagsak lahat ng pader ng pride ko. Lumapit ako, niyakap ko siya nang mahigpit.
“Ma… patawad po. Ang dami kong nasabi. Ang dami kong hindi naintindihan.”

Hinaplos niya ang buhok ko, gaya ng dati. Pero ngayon, mas mahina na ang haplos niya.
“Hindi ako galit, anak. Ang mahalaga, nandito ka.”


Mula noon, nagbago ako. Hindi ko na siya sinisigawan. Tumutulong na ako sa gawaing bahay, sa pagluluto, sa paglalaba. Kapag gabi, sabay kaming umiinom ng gatas habang nagkukwentuhan.

Napansin kong mas madalas na siyang mapagod, pero kahit gano’n, pilit pa rin siyang ngumiti. At sa bawat ngiti niya, alam kong binibilang niya ang bawat araw.


Madalas nating isipin na ang ating mga magulang, lalo na ang mga ina, ay hindi napapagod—na palaging malakas, palaging nandiyan. Pero totoo, tao rin sila. Marupok, nasasaktan, at may mga lihim na pinipiling itago para lang hindi tayo mag-alala.

Kadalasan, huli na natin nare-realize kung gaano sila kahalaga—kapag wala na silang lakas para ngumiti, o kapag wala na sila para yakapin mo ulit.

Kaya kung nababasa mo ito ngayon, yakapin mo ang nanay mo. Ka-usapin mo siya. Sabihin mo kung gaano mo siya kamahal.
Huwag mo nang hintayin ang araw na ang “Sorry, Ma” ay maririnig mo lang sa loob ng sarili mong isip.

Dahil walang pagod, walang sakit, at walang hangganan ang pagmamahal ng isang ina.
Ang tanong—kailan mo siya pasasalamatan? Baka bukas, huli na.

By cgrmu

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *